Bahagi ng Magallanes Interchange isinara sa mga motorista

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2019 10:28 AM

MAYNILA- Ipinasara na nitong Lunes ng umaga ang bahagi ng Magallanes Interchange mula Maynila patungong Cubao.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), takaw- bangga ang palikong rampa na nag-uugnay sa flyover patungong South Luzon Expressway (SLEX) papuntang EDSA.

Inaabisuhan ang mga motorista na lumiko sa may Nichols Interchange upang makapunta sa SLEX northbound.

Ayon naman kay MMDA traffic chief Bong Nebrija, inaayos na rin ang posibleng pagbukas ng ruta sa Magallanes Village bilang isa pang alternatibong ruta.

Ang pagsasara ng nasabing rampa ay bahagi rin daw ng plano ng MMDA upang matugunan ang mga problema sa trapiko at aksidente sa lugar.

Noong nakaraang taon, nasa 292 aksidente sa kalsada ang naitala ayon sa datos ng MMDA Road Safety Unit.

-ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.