PatrolPH

3 huli sa tangkang pagpuslit ng drogang sinilid sa children's books

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2019 06:17 PM | Updated as of Apr 01 2019 10:51 PM

Tatlo ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa tangkang pagpuslit ng higit P30 milyong halaga ng drogang itinago sa mga librong pambata.

Watch more on iWantTFC

Nakuha ang aabot sa 2.3 kilo ng cocaine sa mga pahina ng mga librong nasa maletang dala ni Ma. Clara Bedico. 

Ayon kay Bedico, nautusan lang siya ng ka-chat niya sa Brazil na kuhanin ang maleta sa Pasig at dalhin sa Bangkok, Thailand kapalit ng $2,000 (P105,240 sa palitan na P52.62 kada dolyar).

Sinabihan daw siya ng ka-chat na alahas ang laman ng maleta.

Na-offload si Bedico sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ng Bureau of Immigration at sinundan ng mga operatiba ng NBI.

Dalawa pang suspek ang inaresto na nagsilbi umanong recruiter ng drug mule at umalalay umano kay Bedico.

Modus daw ito ng Western African Drug Syndicate pero hindi pa malinaw kung paano nakapasok ang cocaine sa bansa at paano ito nakalusot sa security ng NAIA Terminal 3.

Ikinulong ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.