Umano'y pekeng gamot, mga pampaganda, nakumpiska sa bangketa sa Cotabato City

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2018 05:59 PM

COTABATO CTY - Nakumpiska ng awtoridad sa bangketa sa bahagi ng mega market ng Cotabato City ang aabot sa P20,000 halaga ng umano'y pekeng gamot.

Ayon sa City Health Office at City Government, mapanganib sa kalusugan ng tao ang mga nasabing gamot.

Biyernes ng hapon nang suyurin ng mga pulis at ng mga tauhan ng City Mayor’s Office ang mega market ng lungsod matapos na makatanggap ng reklamo ang lokal na pamahalaan hinggil sa mga ibinibentang pekeng gamot, whitening cream, ointment at iba pa.

Sa buong araw na operasyon, nasamsam ang aabot sa P20,000 halaga ng mga pekeng gamot na base sa pagsusuri ng City Health Office ay hindi umano aprubado ng Bureau of Food and Drugs.

Ayon kay Cotabato City Police Director Senior Superintendent Rolly Octavio, agad na tumakas ang taong nagbebenta ng mga pekeng gamot nang makita na paparating na ang mga awtoridad.

"Nag-provide kami ng police assistance para masamsam itong mga pekeng gamot na ayon sa ating City Health Office ay delikado o mapanganib sa kalusugan," ani Octavio.

Mahigit sa limang reklamo na ang natatanggap ng City Mayor’s Office hinggil sa mga ibinibenta na pekeng gamot at whitening cream o pampaputi ng balat.

Kaya nagbabala si Cotabato City Mayor Cynthia Guiani sa mga nagbebenta ng pekeng gamot na tigilan na ang gawaing ito.

"I'm warning them to stop it because makakasira ito sa kidney o liver ng isang tao," aniya.

Ang mga mga nasamsam na pekeng gamot at cosmetic items ay nakatakdang sunugin ng lokal na pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.