SAPUL SA CCTV: Binatilyo, kinuyog at sinaksak sa Senakulo

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2018 09:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nabulabog noong Miyerkoles ang mga residente ng Barangay Barangka Itaas, Mandaluyong matapos mauwi sa bugbugan at saksakan ang tradisyonal na Senakulo.

Katatapos lang ng Senakulo nang mangyari ang paggulpi ng walong lalaki sa 16 anyos na biktimang si alyas "Sonny."

Sa gitna ng gulo, bumunot ng patalim si alyas "Bert," isa ring menor de edad, mula sa kaniyang shorts at pinagsasaksak sa tagiliran si "Sonny."

Matapos ang pananaksak ay pasimpleng umalis ang suspek at itinago ang patalim.

Sinubukan din ni Bert na ipasa ang patalim sa kasamahan.

Agad rumesponde ang mga tauhan ng barangay para hulihin ang mga suspek at dalhin sa pagamutan ang biktima.

"Nagkaroon na raw ng dating alitan itong mga grupo sa ibang lugar," ani barangay captain Jojo Cruz.

Ito rin umano ang unang pagkakataong nagkagulo sa gitna ng pagdaraos ng Senakulo sa kanilang lugar.

Dahil menor de edad ang ilan sa mga suspek ay ibinigay sila sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.