AMMAN - Bumida sa katatapos na 11th Women's Film Week ng Jordan ang Philippine entry na ‘Halawod’ isang 2021 documentary ni Anna Katrina Tejero.
Ang 11th Women’s Film Week ay bahagi ng pagdiriwang ng International Women’s Day Pinangunahan ni Her Royal Highness Princess Basma bint Talal ang pagdiriwang kasama ang The Royal Film Commission ng Jordan.
Amman PE photo
Mismong si Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo Santos ang nanguna sa partisipasyon ng Pilipinas sa event. Sumentro ang pelikula ni Tejero sa kuwento ng mga katutubong Tumandok, isang tribo sa isla ng Panay.
Makikita sa docufilm ang kanilang pagsusumikap na mapanatili ang kanilang kultura at karapatan sa kanilang ancestral land. Kahit mabilis ang pagsulong ng modernisasyon sa mundong kanilang ginagalawan, hindi sila nagpapatinag.
Sa kanyang talumpati bago ang screening, sinabi ni Third Secretary at Vice Consul Angeli Payumo, na nasasalamin sa pelikula ang katatagan ng mga katutubong Pilipina.
Aniya, kaya nilang makipagsabayan sa talakayan ng bayan at makiisa sa paghahanap ng solusyon sa mga problemang kanilang kinakaharap. Naging posible ang partisipasyon ng embahada sa event dahil sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa ilalim ng Philippine Embassies Assistance Program (PEAP).
"DigitALL: Innovation and technology for gender equality,” ang naging tema ng film festival ngayong taon.
Tumagal ang film showing mula March 13 hanggang 18, 2023 sa Rainbow Theater sa Amman, Jordan kung saan ipinalabas ang may 13 films at documentaries mula sa iba-ibang bansa.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Jordan, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.