COPENHAGEN - Naglayag na patungong Ronne, Denmark mula Cebu sa Pilipinas ang pinakamalaking catamaran ferry, ang Express 5 na gawang Pinoy. Brand new ang ferry na binuo ng Austal Philippine mula sa kanilang shipyard sa Cebu.
Kauna-unanahang paglalayag ito ng Express 5 patungong Europa. Ang catamaran ay isang klase ng barko na may dalawang 'hull' o katawan. Ito ang nagbibigay sa barko ng mas mabilis, ligtas at stable na biyahe sa laot.
Copenhagen PE photo
Kinomisyon ng Molslinjen, isang kilalang Danish shipping company, ang 115-metrong high-speed ferry na gagamitin sa biyaheng Ystad, Sweden, at Rønne, ang pinakamalaking bayan sa isla ng Bornholm sa Denmark.
Ayon sa Philippine Embassy sa Denmark, ang delivery ng Austal Philippines sa ikalawang high-speed ferry patungkong Denmark ay patunay na kayang-kaya ng mga Pilipino na gumawa ng world-class vessels.
“It signifies the country’s growing expertise and capability in constructing world-class vessels at competitive rates. This affirms the strong partnership between the Philippines and Denmark, marking a significant milestone in the 77th year of its friendly relations.” wika ni Ambassador Leo Herrera-Lim, Philippine Ambassador to Denmark.
Kayang maglulan ng 1,610 passengers at 450 sasakyan ang Express 5. May full bistro at bar, may children’s play area, maging ng multiple audio-visual screens.
Nagkakahalaga ng 83.63 million Euros ang catamaran ferry at inaasahang makakatulong ang bagong barko upang mapasigla ang turismo at maging kalugud-lugod ang biyahe patungo sa isla ng Bornholm.
Ang Express 5 crew kasama ang Austal Philippines staff bago ang kanilang paglalayag patungong Denmark mula Cebu. (Copenhagen PE photo)
Dahil sa Express 5 ferry magkakaroong ng karagdagang 35% ang passenger capacity at car volume ang pagtawid sa Baltic Sea.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Denmark, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.