TFC News

PH suportado ang UN aid operations para sa Yemen

TFC News

Posted at Mar 31 2023 09:03 AM | Updated as of Mar 31 2023 09:30 AM

GENEVA - Muling siniguro ng Pilipinas ang suporta para sa United Nations aid operations para sa Yemen na nakakaranas ngayon ng malawakang humanitarian crisis bunsod ng civil war sa bansa.

Nangako si Philippine Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa Yemen Conference 2023 na ginanap sa Palais des Nations sa Geneva, Switzerland noong nakaraang buwan na maglalaan ang Pilipinas ng USD 100,000.00 bilang suporta sa Yemen Humanitarian Fund.

12
Inanunsyo ni DFA Secretary Enrique Manalo ang donasyon ng Pilipinas na USD100,000.00 para sa Yemeni Humanitarian Fund. (Geneva PM photo)

Dati na ring nagbigay ng donasyon para sa Yemen Humanitarian Fund ang Pilipinas. Ang nasabing pondo ay pinamamahalaan ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA).

“For the past five years, the Philippines has responded to the call of the United Nations and the international community for funding to address the humanitarian crisis in Yemen, over and above our contribution to the Central Emergency Response Fund," pahayag ni Manalo.

Ang boluntaryong kontribusyon ng Pilipinas ay nagpapakita na seryoso sa pagtulong ang bansa sa mga naapektuhan ng civil way sa Yemen.

“Filipinos are one with the people of Yemen, especially those in most need of our help and those in vulnerable situations, including women and children, migrants, older persons, and persons with disabilities,“ dagdag ni Manalo.

Naghatid naman si Manalo ng pakikidalamhati sa mga sibilyang naipit at namatay sa sigalot. Mula nang magsimula ang Yemeni civil war sa pagitan ng Yemeni government at Houthi rebels noong 2014 marami na ang namatay.

Sa taya ng United Nations, may mahigit 233,000 katao na ang namatay dahil sa mga madugong bakbakan. Mayroon ding 133,000 ang namatay dahil sa kawalan ng pagkain at maayos na medical facilities.

Mahigit limang milyong Yemeni rin ang nangangailangan ng tulong bunsod ng kaguluhan. Walang makain ang marami at nangangailangan ng tulong medikal.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Yemen, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.