PatrolPH

Mga kaeskuwela ng pinatay na college student sa Cavite dorm nagdadalamhati

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2023 03:59 PM

Sitwasyon sa burol ni Queen Leanne Daguinsin Biyernes, Marso 31, 2023. Michael Joe Delizo, ABS-CBN News
Sitwasyon sa burol ni Queen Leanne Daguinsin Biyernes, Marso 31, 2023. Michael Joe Delizo, ABS-CBN News


PILA, Laguna — Puno ng sakit at panghihinayang ang nararamdaman ng mga kamag-aral ni Queen Leanne Daguinsin sa De La Salle University (DLSU)-Dasmariñas sa kaniyang pagkamatay.

Ninakawan at sinaksak umano nang 14 na beses si Daguinsin sa loob ng kaniyang inuupahang dormitoryo sa Barangay Santa Fe, Dasmariñas noong Martes.

Ngayong Biyernes, nagpunta dito sa hometown ni Daguinsin ang kaniyang mga kamag-aral para sa kaniyang burol.

"Hindi niya po deserve ‘yung ginawa sa kaniya. Leanne is a very kind friend. Sobrang bait niya para gawin sa kaniya ‘yun. Kaya until now, parang ang hirap pa ring tanggapin," ani Sean Dominique Alcoseba, kamag-aral ni Daguinsin.

"Sana makapahinga ka nang mapayapa. Andito lang naman kami, hindi ka namin kakalimutan," sabi naman ni Chris Ellson Caisip.

"Gagawin namin ang lahat para makuha namin ‘yung hustisya na para po sa kaniya," sabi ni Gabe Tolentino.

Kinansela ng DLSU-Dasmariñas ang in-person classes kasunod ng krimen, pero babalik ito matapos ang Semana Santa.

Aminado ang mga estudyante na nababahala rin sila sa kanilang kaligtasan matapos ang insidente.

"Parang takot na. ‘Yung iba pong dormers is nag-pullout na po sa dorm nila," ani Alcoseba.

Galit ang nararamdaman ng pamilya sa suspek na nakilala na umano ng mga pulis.

"Diyos ko po! Maawa ka! Sana maliwanagan ang isipan mo at magsisi ka. Humingi ka ng patawad sa Panginoong Diyos sa iyong ginawa sa apo ko. At hindi ko masasabi kung siya’y aking makita nang personal, hindi ko po alam kung anong magawa ko sa kaniya. Ang sakit-sakit po," sabi ni Julieta Monserrat, lola ni Daguinsin.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ang DLSU-Dasmariñas sa lokal na pamahalaan para sa pagpapalakas ng seguridad sa campus at mga dormitoryo.

Kinondena ng unibersidad ang pagpatay sa kanilang estudyante.

Nanawagan sila ng hustisya para kay Daguinsin.

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.