PatrolPH

Ilang apektado ng Mindoro oil spil naghain na ng compensation claim

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2023 01:23 PM | Updated as of Apr 01 2023 12:05 AM

Watch more News on iWantTFC

CALAPAN (UPDATED)— Naghain na ng compensation claim ang ilang naapektuhan ng oil spill sa kapitolyo ng Oriental Mindoro sa Calapan City ngayong Biyernes.

Ibig sabihin ay magsusumite pa lamang sila ng requirements at magfi-fill out ng forms.

Isa sa unang nagtungo sa kapitolyo ang mangingisdang si Emmanuel Adriatico ng Barangay Ibaba West, Calapan City.

Pero ang tanging nagawa lamang niya ay mag-fill out ng form dahil kulang umano ang kaniyang mga dalang requirements gaya ng valid ID na nagpapatunay na siya ay miyembro ng samahan ng mga mangingisda, at gayundin ang rehistro ng kaniyang bangka, kaya babalik na lamang umano siya.

Ang mangingisda namang si Rio Sarabia na mula sa Naujan ay kumpleto sa requirements pero natagalan umano siya sa paglalagay ng kung magkano ang halaga na nawala sa kaniyang kita dahil sa fishing ban na dulot ng oil spill.

Nang kwentahan, umaabot sa higit P100,000 ang nawala sa kaniyang kita kada buwan.

Pero sabi ng claims processor na si May Valles, hindi pa nakakagarantiya na ito rin ang matatanggap ni Sarabia dahil dadaan pa aniya ito sa evaluation.

May mga fish vendor din na nagtungo sa kapitolyo para maghain ng compensation claims.

Inaasahang isang buwan pa bago matanggap ng mga naghain ng claims ang danyos at depende pa ito sa magiging evaluation.

Ang pondo kung saan magmumula ang ibabayad na compensation ay galing naman sa insurer ng MT Princess Empress na P&I Insurance at maging sa international oil pollution compensation funds.

Inaasahang sa susunod na mga araw ay magbubukas din ng mga claims satellite office sa iba pang lugar sa Oriental Mindoro.

Pinag-aaralan din ang pagbubukas ng mga claims office sa iba pang probinsya na naapektuhan ng oil spill.

Bukas ang claims central hub mula 8 a.m. hanggang 5 p.m., Lunes hanggang Biyernes, maliban na lamang sa Holy Week.

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.