Sitwasyon sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City nitong Enero 4, 2023. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
MAYNILA — Naging usap-usapan ang Bureau of Immigration (BI) kamakailan matapos umanong hanapan ng yearbook ang isang pasahero.
Ikinagulat ito ng marami dahil ang paghahanap sa yearbook ng naturang pasahero ay hindi na kinakailangan, ayon sa BI.
Binigyang-linaw ni BI spokesperson Dana Sandoval ang ilan sa impormasyong kinakailangang makuha mula sa mga pasahero tuwing bibiyahe palabas ng bansa.
Kabilang aniya sa mga regular na itinatanong o hinahanap ng mga immigration officer sa mga pasahero ay ang kanilang plane at return ticket, pinal na destinasyon, kung saan bibisita ang pasahero, kasama sa biyahe, at kailan ang balik.
Kung sakaling mayroong aberya sa mga papeles at hindi tugma ang pahayag ng naturang pasahero, saka lamang mapipilitang magbigay ng karagdagang katanungan ang mga opisyal, ani Sandoval
Ang secondary investigation ay kadalasang tumatagal nang 5 hanggang 15 minuto, depende sa mga kasagutang matatanggap ng opisyal sa mga pasaherong naharang.
Ngunit ipinaalala rin ng tagapagsalita ng BI na hindi kinakailangang ipresenta ang anumang pribadong impormasyon, gaya ng social media at bank accounts.
Maaari lamang buksan ang mga nabanggit kapag nagkusa ang pasahero.
Pinag-aaralan din ng BI ang pagbili ng body cameras upang magkaroon ng babalikan ang mga opisyal kung mayroong reklamong matatanggap, sabi ni Sandoval.
Inaasahan ng BI na tataas ang bilang ng mga bibiyahe ngayong Holy Week dahil marami ang mag-uuwian sa kani-kanilang mga probinsya.
Inaabisuhan naman ng BI ang mga pasahero na dumating nang mas maaga sa airport, at agad na tumungo sa immigration area pagkatapos mag-check-in.
Mainam umano kung 3 oras bagong ang flight ay nakarating na sa paliparan.
— Bryan Gadingan
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.