PatrolPH

700 pamilya sa Malabon binigyan ng food packs

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2021 08:04 PM

Watch more News on iWantTFC

Hanggang tanaw na lang mula sa loob ng maliit na bahay sa Malabon si Jocelyn Bania dahil bawal na ulit ang basta-basta lumabas bunsod ng enhanced community quarantine sa Metro Manila at 4 na karatig probinsya.

Kaluluwas lang ni Bania sa Metro Manila mula Albay noong Enero para sana kumita ng pera para sa 6 na anak. Naiwan ang mga ito sa probinsiya matapos pumanaw ang kaniyang asawa dahil sa atake sa puso noong Agosto.

Pero hindi pa man siya nakakahanap ng trabaho, nangyari na naman ang mas mahigpit na lockdown.

"Inisiip ko 'yong mga anak ko, walang naghahanapbuhay sa amin... hindi ako makauwi ng Bicol. Walang-wala din po," ani Bania.

Nakatira ngayon si Bania sa ina at lola, na parehong senior citizen. Kasama rin nila ang kaniyang kapatid na may epilepsy.

Para may pagkain sila araw-araw, tanging pagtitinda ng face mask at face shield ang pinagkakakitaan nila.

Umabot na sa 70 ang kaso ng COVID-19 sa Barangay Tugatog, Malabon kaya alam man ng lokal na pamahalaan ang hirap na dinaranas ng mga gaya ni Bania, higit na kailangan ang mas mahigpit na quarantine para sa kaligtasan ng lahat.

"May mga nag-iikot kami na nagti-ticket kapag lumalabag [sa quarantine protocol]," sabi ni Eden Valenzuela, chairperson ng Barangay Tugatog.

Kabilang ang pamilya ni Bania sa 700 pamilyang dinalhan ng food packs ng ABS-CBN sa pamamagitan ng programang "Pantawid ng Pag-Ibig: Pilipino Para sa Pilipino."

"Malaking tulong na rin sa amin 'yong binigay niyong pangkain," ani Bania.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.