19-anyos na ama, patay nang pagbabarilin ng pulis sa Laguna

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2021 06:56 AM

MAYNILA—Nahaharap sa kasong homicide ang isang pulis sa lungsod ng Calamba, Laguna dahil sa pamamaril ng 19-anyos na lalaki noong Linggo ng madaling-araw.

Sa ospital na namatay ang biktimang si Joevil Brian Pelletero, empleyado ng isang sports apparel store.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Police Cpl. Javier Ian Jaquilmac Medel, 37, at nakadestino sa Cabuyao City Police Station.

Ayon kay Laguna Police Provincial Office spokesperson Lt. Col. Chitadel Gaoiran, naganap ang pamamaril sa Acacia St. CERIS I Village sa Barangay Canlubang bandang alas-2:25 ng madaling-araw.

Sa paunang imbestigasyon, nakarinig ng putok ng baril ang guwardiya ng subdivision kaya nadiskubre ang nakahandusay na biktima. Naroon din ang suspek na may hawak na mahabang baril at agad siyang sumuko.

Dinala sa Global Medical Center si Pelletero pero namatay rin.

Ayon sa mga nakakitang nakausap ng pulis, natanaw sina Medel at Pelletero na nag-iinuman kasama ng 2 pang tao bago ang insidente. Nagkainitan umano ang dalawa kaya humantong sa pamamaril.

Depensa naman ng suspek sa mga pulis, may kumatok sa bahay niya noong madaling-araw na humihingi ng tulong. Pero paglabas ng pulis, bigla umanong sumulpot ang biktima kaya niya binaril.

Narekober sa crime scene ang 12 basyo ng bala ng 5.56 mm na baril, pero hindi nabawi ang mismong armas.

Tubong Zamboanga Del Sur si Pelletero at naulila ang kaedad na asawa at 1 taong gulang na anak.

Nananawagan naman ng ang kaniyang mga kamag-anak ng tulong pinansyal para maipauwi ang bangkay niya.

Nakasuhan na nitong Martes ang pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.