PNP sa mga LGU: Huwag harangin mga magsasaka sa checkpoints

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 01:00 PM

MAYNILA - Nanagawan ang Philippine National Police (PNP) sa lahat ng local government units (LGUs) na payagang makadaan sa mga checkpoint ang mga magsasakang magsu-supply ng kanilang mga gulay sa Calabarzon at kalakhang Maynila sa gitna ng enhanced community quarantine sa buong Luzon bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa pulisya, sa ilalim ng guidelines sa pagpapatupad ng lockdown ay malayang makabibiyahe ang mga may dalang supply ng basic goods, kabilang ang pagkain. 

"Tayo ay nananawagan sa LGUs na tayo po ay may basic guidelines sa Inter-Agency Task Force na 'di dapat baliin. Kung mayroong 'di pagkakaintindihan dahil sa kung minsan sa announcement na ito na mga LGUs, 'yung mga biyahero natatakot na agad, nag-aassume sila na sila ay haharangarin," sabi ni Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang head ng Joint Task Force Coronavirus Shield.

Ito'y matapos na magreklamo ang mga magsasaka mula sa bayan ng Kalayaan sa Laguna na hirap silang makadaan sa checkpoint sa bayan ng Pagsanjan at iba pang karatig-bayan kahit pa may food pass mula sa Department of Agriculture.

"Naiintindihan natin kanilang mga concerns pero mayroon tayong national government na dapat makipag-align sila doon po sa kanilang polisiya," dagdag ni Eleazar.

Sabado nang ilagay ang buong lalawigan ng Laguna sa total lockdown dahil na rin sa pagdami ng kaso ng coronavirus sa lugar.

Pero nilinaw naman ni Laguna Governor Ramil Hernandez nitong Lunes na hindi dapat harangin ang mga truck na maghahatid ng mga agricultural products,

Samantala, pinaalalahanan din ni Eleazar na ang barangay checkpoint ay hindi puwede sa national at provincial roads.
 
"Only PNP-supervised or managed checkpoints will be conducted along the national and provincial roads. Itong mga barangay checkpoints sa interior roads lang at supervised by the police," dagdag ni Eleazar.

Dapat aniya ang mga ipatutupad sa barangay checkpoint ay mga polisiya ng LGUs na nakalinya sa national government.

"Kailangan ang mga chief of police sinu-supervise sila (mga barangay). Sa LGU natin, dapat alam nila kanilang ginagawa. Naiintindihan natin kanilang mga concerns pero mayroon tayong national government na dapat makipag-align sila doon po sa kanilang polisiya," sabi niya.