Pagbibigay ng cash, food assistance sa gitna ng lockdown dapat bilisan: mambabatas

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 04:39 PM

MAYNILA — Nanawagan si Kabataan party-list Rep. Sarah Elago na madaliin na ang pagbibigay ng ayuda sa mga Pilipinong labis na apektado ng krisis bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang pahayag, sinabi ni Elago na ikatlong linggo na ng enhanced community quarantine sa Luzon pero may mga ulat pa rin na kakulangan sa suporta mula sa gobyerno. 

"[W]e are still receiving reports from affected, vulnerable sectors that government aid has yet to reach their communities," ani Elago.

Higit P200 bilyon ang inilaan ng pamahalaan para sa laban kontra COVID-19, batay sa batas na Bayanihan to Heal as One Act. 

Sa ilalim ng batas, bawat pamilyang mapapasama sa mabibigyan ng tulong ay makatatanggap ng ayuda na naglalaro sa P5,000 hanggang P8,000. 

Sabi ni Elago, madaliin na ng gobyerno ang pagbibigay ng ayuda lalo't hindi biro ang hirap na nararanasan ng mga taong hindi makapaghanapbuhay dahil sa epekto ng COVID-19. 

"We call on the National Government to immediately distribute the 5k-8k cash assistance to help ease the burden on those depending on daily wage for subsistence. Time is of the essence here. In order to save lives, not only should we focus on the virus, but also on the widespread poverty and hunger that aggravate the people's situation around the public health crisis," anang mambabatas. 

Kinilala naman ni Elago ang mga tulong ng iba't ibang organisasyon na nagpaabot ng tulong kontra COVID-19. 

Sa huling tala, 1,546 na sa Pilipinas ang nagpositibo sa COVID-19, 78 dito ang namatay habang 42 ang nakarekober.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.