P14 milyong halaga ng shabu nasamsam sa buy-bust sa QC; suspek timbog

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 12:26 PM

Aabot sa P14 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa isang apartelle sa Quezon City. Arestado naman ang suspek na dati na ring nakulong sa kasong droga. Lyza Aquino, ABS-CBN News

MAYNILA - Arestado ang isang 31 anyos na lalaki sa pagbebenta umano ng shabu na nagkakahalaga ng P14 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Bagbag, Novaliches Quezon City, gabi ng Lunes. 

Target ng nasabing operasyon ang suspek na residente ng Navotas, ayon kay Police Lt. Col. Henry Amancia ng Quezon City Police District Station 4. 

Dati na rin umanong nakulong ang suspek dahil sa ilegal na droga. 

Nahuli ang suspek sa isang apartelle. Nakumpiska rito ang isang bloke ng shabu at drogang nakasilid sa mga Chinese tea bag. 

Pinabulaanan ng suspek na kaniya ang droga at sinabing napag-utusan lang siyang dalhin ito sa apartelle. 

Mahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek. 

-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.