COVID-19 Bayanihan: Kargador naghatid ng tulong sa pedicab driver

Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 01:51 PM

Naghatid ng tulong na bigas at isda si Tony Patillas Jr. para sa mga pedicab drivers sa bayan ng Naval sa Biliran. Galing umano sa naipon niyang pera sa pagiging kargador at body builder ang ipinambili niya sa mga relief goods. Larawan mula sa netizen na si Maytoz Zalavarria-Villegas. 


NAVAL, Biliran - Hindi naging hadlang para sa isang lalaki ang hirap ng buhay para makatulong sa kapuwa sa panahong ito.

Nagawang makatulong ni Tony Patillas Jr. sa mga pedicab driver sa bayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng limang kilo ng bigas at isang kilo ng isda.

"Ang ipon ko ay galing sa pag kargador ko dahil doon ako sanay at nakaipon," sabi niya.

Bukod sa pagiging kargador, isa ring body builder si Patillas. Pero hindi aniya nagkakalayo ang katayuan niya sa buhay sa sitwasyon ng iba.

"Ramdam ko ang kahirapan sa mga taong kagaya ko, ang katayuan dahil laking bangketa ako at panglilimos lang ang kinabubuhay ko. Ngayon, may katawan akong ganito, ginamit ko sa pag body builder," sabi niya.

Ang pagtulong ni Patillas ay nakunan at nai-upload sa social media ng netizen na si Maytoz Zalavarria-Villegas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.