6 babae, nailigtas mula sa umano'y prostitution den sa Antique

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 08:12 PM | Updated as of Mar 31 2020 11:03 PM

CULASI, Antique - Kahit pa napailalim sa enhanced community quarantine ang buong lalawigan ng Antique, patagong nag-o-operate ang isang videoke bar sa Barangay Centro Poblacion sa bayan ng Culasi. 

Sa nakuhang impormasyon ng pulisya, may nangyayaring prostitusyon sa lugar. 

Nang makumpirma ito ng mga awtoridad, nagsagawa sila ng raid gabi ng Marso 29. Nagpanggap na kukuha ng babae ang operatiba at nakatransaksyon ang lalaking may-ari ng bar. 

Nahuli ang may-ari matapos tanggapin ang P2,000 marked money. 

Arestado ito sa paglabag ng Republic Act 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012. 

Nasagip ang 6 na babae na nagtatrabaho sa bar at dinala sa Municipal Social Welfare and Development Office. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.