'Simpleng' graduation ceremony hinimok ng DepEd

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2019 06:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magtatapos ngayong linggo ng Grade 6 at senior high school ang 2 anak ni Loida Barrios.

Walang gagastusin si Barrios dahil school uniform ang susuotin ng kaniyang bunso habang libre sa eskuwelahan ang toga na susuotin ng panganay.

"Hindi na po kailangan bumili ng mga bagong damit," ani Barrios.

Magtatapos na rin ng Grade 6 ang magkaklaseng sina Jam Barera at Aaron Reside.

Ayaw daw nilang magpabili ng mga bagong damit at sapatos para sa graduation dahil alam nilang pabigat ito sa kanilang magulang.

"Sa graduation sa Martes, magsusuot ako ng uniform," ani Barera.

"Para po hindi masyadong gastos," sabi naman ni Reside.

Nauna nang nagpalabas ng utos ang Department of Education sa lahat ng mga eskuwelahan na gawing simple ang graduation ceremony.

Hindi rin pipilitin ang mga estudyante na magsuot ng toga o formal attire dahil puwede naman daw mag-uniform.

Naglaan naman ng P250 budget ang DepEd sa bawat estudyante.

Inaasahang higit 3 milyon estudyante sa pampubliko at pribadong paaralan ang magtatapos ngayong taon.

Ito rin ang ika-2 taon na magtatapos ang mga nasa senior high school sa ilalim ng K to 12 program.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.