Libo-libong tamban, nalambat sa dike sa Agusan del Norte

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2018 04:12 PM | Updated as of Jan 03 2019 11:47 PM

CABADBARAN CITY, Agusan del Norte - Nagkagulo ang mga residente ng Barangay 3 sa paghuli sa libo-libong tamban na napadpad sa isang dike dito sa lugar, Biyernes ng gabi.

 

Sa videong kuha ni Jocemie Laganga, nakitang kaniya-kaniyang diskarte sa paghuli ng mga tamban ang mga residente gamit ang mga palanggana, supot, at mangkok.

Ayon sa mga residente, hindi umano bababa sa 5 kilo ng tamban ang nakuha ng bawat pamilyang naki-huli sa biglang pagdasa ng maliliit na isda sa lugar.

"Hulog ng langit kasi pang-isang linggo na itong pang-ulam," ani Cesar Hornido, isa sa mga residenteng nanghuli ng mga tamban sa dike.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang pagdagsa ng tamban sa lugar ay resulta ng isinasagawang fishban ng tamban kada taon sa Butuan Bay.

Maaaring napadpad ang maliliit na tamban sa lugar dahil posible itong hinabol ng malalaking isda mula sa Butuan Bay, dagdag ng BFAR.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.