Lalaki nalunod sa beach sa Camarines Sur

Jessa Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2018 06:57 PM

Caloco Beach, Camarines Sur. ABS-CBN News

Nalunod ang isang lalaki sa Caloco beach, bayan ng Tinambac, Camarines Sur Huwebes ng hapon.

Dead on arrival sa Tinambac Infirmary Hospital si Oscar Vargas, 25.

Sa imbestigasyon ng Tinambac Municipal Police Station, dumayo sa lugar si Vargas kasama ang asawa at 3 pang kamag-anak galing San Fernando, Camarines Sur.

Ala-1:30 ng hapon nang mapansin na humihingi siya ng tulong pati ang 4 na kasama.

Nailigtas ang 4, pero ayon kay Punong Barangay Levi Terrobias nahirapan umano ang mga rescuer na hanapin si Vargas.

“Tinanong ng isang rescuer kung ano'ng klase 'yung damit, ano'ng kulay. Du'n po sila nagkamali kasi ang sabi kulay grey na sando. 'Yun pala stripe daw na brown. So kakulay po 'yung damit nu'ng sea grass kaya di agad nakuha. Mga 5 to 10 minutes bago nakuha," ani Terrobias.

Isa sa mga nagbigay ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) kay Vargas ang kapatid ni Terrobias na si Ruth Bermillo.

“Nu'ng tiningnan ko, maitim na po 'yung lalaki. Tapos pinump namin tapos 'yung isang kagawad ng Caloco, kami 'yung nagpump, siya po 'yung nag-blow. Kahit ano'ng gawin namin talagang wala na po. Tapos inano ko 'yung pulso niya wala na. Hindi na po talaga," ani Bermillo.

Ito na ang pangalawang insidente ng pagkalunod sa Caloco beach simula nang maging tanyag ito na summer destination.

Mayo noong nakaraang taon, isang 12-anyos na bata ang nalunod dito.

Kahit mababaw lang ang tubig sa Caloco Beach, pinag-iingat pa rin ang mga maliligo dito. 

Nanawagan din si Terrobias na huwag lumagpas ang mga turista sa inilagay nilang boundary.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.