Kinatay na pating, naaktuhang ibinibenta sa El Nido

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2018 07:26 PM | Updated as of Jan 04 2019 07:03 PM

Ibinahagi sa social media ng Marine Wildlife Watch of the Philippines ang pagbebenta sa isang kinatay na pating sa El Nido, Palawan Huwebes.

Naaktuhang ibinebenta ang isang kinatay na pating sa Nacpan beach, El Nido, Palawan Huwebes ng umaga.

Sa isang larawan na ibinahagi ng Marine Wildlife Watch of the Philippines sa social media, makikita ang 2 babae na nilalako ang isang patay na pating na nakalagay sa isang planggana. Putol na ang ulo nito, palikpik, pati ang isang buntot.

Ayon sa kumuha ng larawan na hindi nagpakilala, aabot ng 9 na kilo ang ibinebentang pating. Bagaman wala na itong palikpik ay posibleng isa raw itong bullshark.

Naibenta rin daw ang pating sa lugar pero hindi na niya sinabi kung sino at taga-saan ang nakabili.

Dagdag pa niya, liban sa pating, ilan pa sa mga ibinebenta sa lugar ay mga pawikang wala ng shell, reef sharks, stingray at marami pang iba.

Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), karaniwang pinapatay ang mga pating upang kunin ang palikpik nito o ang tinatawag na shark's fin.

Kadalasan, kapag naputol na ang palikpik ng pating ay itinatapon na ang bangkay nito pabalik ng dagat, pero may ilan na kinukuha pa rin ang patay na pating upang pagkakitaan.

"Primarily economic reason kasi nga baka nanghinayang sila. Minsan kasi pumapasok 'yan sa baklad nahuhuli nila kaya binebenta na lang nila. Basically, it's for money, " ani PCSD spokesperson Forester Fabello.

Hindi rin daw madaling makikilala kung ano ang klase ng pating ang nakunan ng larawan dahil wala na ang ulo at palikpik nito na kinakailangan para sa pagkilala.

Ayon sa PCSD, isa ang bayan ng El Nido sa itinuturing nilang hot spot sa mga ilegal na gawain sa kalikasan.

"Isa ito sa mga nagiging transhipment points ng mga poached wildlife natin coming from other municipalities in Palawan and may port din tayo sa El Nido at napaka-porous din ng border niyan dahil ang hirap mag-monitor dahil ang daming turista sa ngayon," ani Fabello.

Gayunman, tututukan umano ng PCSD ang pagbibigay impormasyon sa komunidad sa kahalagahan ng mga pating, lalo na at kailangan sila sa pagbalanse ng ecosystem sa dagat.

" 'Pag nawala 'yan sila, magkakaroon nang imbalance. Pwedeng dumami 'yung populasyon ng isang uri ng hayop at 'yun ay magko-cause ng disruption du'n sa ecological balance ng isang ecosystem," ani Fabello.

Paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang pagpatay at pagbebenta ng mga pating at iba pang buhay-ilang.

Nakatakda namang imbestigahan ng PCSD ang insidente upang matunton ang mga taong nasa likod ng iligal na gawain.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.