Kailan dapat tumulong sa pag-aaral ng anak?

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2018 10:06 AM | Updated as of Jan 03 2019 08:38 PM

Mainam na iwasan ng mga magulang na manghimasok sa estilo o paraan ng pagkatuto ng kanilang anak, ipinayo ng isang eksperto sa parenting o pagpapalaki ng bata.

Sa programang "Sakto" ng DZMM, tinalakay ni Clarice Talavera-Aviñante ang mga paraan upang mas epektibong makatulong ang mga magulang sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

"Ang nagiging problema kasi kapag ang magulang ay may learning style at ini-impose natin ito sa ating anak," ani Aviñante.

Halimbawa aniya ay kung nakasanayan ng isang magulang na mag-aral sa isang tahimik na lugar ay hindi nangangahulugang ganoon din ang para sa kaniyang anak, lalo at may mga tao na may katangiang mas epektibong nakapag-aaral sa mga maingay na lugar.

Dagdag ni Aviñante, may pagkakataong mabagal bago matuto ang bata sa isang bagay dahil maaaring may iba itong hilig kung saan mas mabilis siyang natututo.

"Iba-iba talaga at kailangan nating respetuhin iyon. Kaya nga may tinatawag na multiple intelligence. May mga tao na [mas] magaling [halimbawa] sa music," aniya.

Dapat din aniyang iwasan ng mga magulang na mabahala tuwing nakakakuha ng mababang marka sa pagsusulit ang isang bata.

"So sa isang 70 (score) na quiz o exam, umaabot iyong magulang sa [puntong iniisip na] wala nang kahihinatnan na maganda iyong anak niya, parang ganoon iyong fear lagi," sabi ni Aviñante.

Payo ni Aviñante sa mga magulang ay hayaan ang bata na matuto o mag-aral nang siya lang at magpaabot lang ng tulong o suporta sakaling hingin ito ng bata.

Sa ganitong paraan din daw matututong maging independent o magsarili ang isang bata.

"Kung gusto natin na tuloy-tuloy iyon[g pagiging independent] hanggang maging matanda na sila, sinisimulan 'yan sa pagkabata, kasama doon ang pagre-review," ani Aviñante.

"Alam dapat ng bata na kapag kailangan niya, susuporta ka pero hindi iyong nandiyan ka all the time," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.