ALAMIN: Bakit tutol ang ilang bakwit sa planong Marawi rehabilitation

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2018 03:37 PM

Bitbit ang kanilang mga placard noong Biyernes, nagtungo sa Marawi City ang mga bakwit upang tutulan ang pinaplanong rehabilitasyon ng pamahalaan sa kanilang lugar.

Hindi raw kasi sila nakonsulta at marami sa mga plano ay labag sa kanilang kultura at paniniwala.

Nababahala ang residenteng si Khayriyyah Faykha Alonto Ala na magagalaw ang libingan ng kanilang mga ninuno kapag natuloy ang planong patagin ang mga bulubunduking bahagi ng bayan.

"Pag kasi po nagkataon na natuloy ang mga ganyang plano, mga ganyang stuctures, it will very be against our sensitivity kasi Marawi is our identity po, parang identity namin siya and that's what makes us Maranaos...We don't need those high buildings, high condominiums," giit niya. 

Tutol din sila sa paglalagay ng military reserve sa kanilang bayan.

"The government is planning to create a very big camp in Marawi within the heart of Marawi. This is not the right time to create, construct a very big camp na di pa na-resolve itong mga healing, itong mga sama ng loob, mga frustration within the people, among the people," hinaing ni Abdul Hamidullah Atar, sultan sa Marawi.

Umusad papalapit sa "ground zero" ang mga residente pero hinarang sila ng mga pulis at militar. 

Kalaunan ay hayaan silang magdasal sa paanan ng tulay malapit sa ground zero.

Pero giit nila, hindi raw dito magtatapos ang kanilang pagtutol sa rehabilitasyon hangga't di sila napakikinggan ng pamahalaan.

--Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.