Rebeldeng NPA patay, 1 pa arestado sa Camarines Sur

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2017 05:42 PM

Photo courtesy of the Philippine Army's 9th Infantry Division

SIPOCOT, Camarines Sur – Isang pinaghihinalaang kasapi ng New People’s Army ang napatay habang isa pa ang nahuli sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Bagong Sirang, Sipocot nitong Huwebes ng hapon.

Nakilala ang napatay na NPA na si Renel Mirabelles.

Ayon kay Capt. Ronnie Madriñan, tagapagsalita ng 9th Infantry Division, sumbong ng mga taga barangay ang nagbigay-daan para ikasa ang operasyon.

“Pinuntahan ng 9th Infantry Battalion yung NPA kasi nagkakaroon nga ng extortion sa area. So, nagkaroon ng entrapment,” sabi ni Capt. Madriñan.

Sampung libong pisong pera at boodle money na kunwaring P300,000 ang halaga ng ibinigay sa rebelde. Nang malaman ng nasa 10 rebelde na Army umano ang naka-transaksyon, dito na nagkaroon ng palitan ng putok na tumagal ng 10 minuto.

Dalawang sibilyan din ang nasugatan sa enkwentro at kinilalang sina Roger Logrando at Joseph Empleo. Si Logrando ay nagtamo ng tama ng bala sa paa habang si Empleo naman ay nabaril sa kanang bahagi ng katawan.

Parehong nagpapagaling ang mga ito sa Bicol Medical Center.

Arestado naman at nakakulong ang 24-taong gulang na si Eric Estadillo na nahuli sa entrapment. Subalit itinatanggi nito na miyembro siya ng rebeldeng grupo.

“May nakita akong 3 lalaki tapos pinara ako nila, puntahan ko daw yung truck kasi nasira daw. Akala ko may ipapabiling piyesa sa truck kasi nasiraan yung truck,” ayon kay Estadillo.

Ayon naman sa ina ni Estadillo, kilala ang kanyang panganay na nagha-habal-habal sa kanilang lugar. Sa katunayan, 6 na taon na daw itong trabaho ni Estadillo. Nagka-interes lamang daw ito sa perang ibibigay ng mga nakausap na lalaki.

“Nakikiusap naman po ako sa Army na wag naman anuhin yung anak ko na kasali siya sa New People’s Army kasi wala yang alam. Taong barangay ang makakapagpatunay. Ayoko ng mga tao na ganyan. Gusto ko legal ang pamilya ko, ang anak ko,” pahayag ng ina ni Estadillo.

Dagdag pa niya, ang namatay naman na si Mirabelles, kilala rin sa kanilang barangay na magsasaka at mangko-kopra.

Ngayong hapon, na inquest na si Estadillo.

Samantala, isang Garand rifle naman na pinaniniwalaang pag-aari ng mga rebelde ang narekober ng militar sa pinangyarihan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.