Fully booked na ang maraming biyahe ng bus papunta sa ilang lugar sa Bicol sa susunod na linggo para sa Semana Santa.
Sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), ang isang bus line papuntang Pio Duran, Albay, punuan na mula April 1 hanggang April 6. Gayundin ang sleeper buses ng isa pang kompanya na biyaheng Tabaco, Legazpi, Naga, at Virac.
May ilan pang bus lines papunta sa mga lugar sa Bicol na paubos na rin ang ticket para sa mga uuwi sa Semana Santa.
Sabi ni PITX Corporate Affairs and Government Relations Head Jason Salvador, nakikipag-usap na sila sa public transport operators na dagdagan ang biyahe, at sa LTFRB para maglabas ng karampatang special permits.
“May na-issue na ang LTFRB, pero ang aming usapan pag ganitong peak season ay magtatalaga sila ng personnel on the ground, para kung sakaling kailanganin ng additional buses, ay agad makapag-iissue ng special permits,” aniya.
“Sa ating pagtatala ngayon, medyo napupuno na ‘yung ating mga biyahe, particular ‘yung patungong Bicol, medyo nagkakaubusan na po diyan, pero marami pa rin ang mga kababayan natin na gusto tumungo sa Kabikulan, kaya nakikipag-usap na tayo sa public transport operators na dagagan ang kanilang units. At the same time, nakikipag-usap tayo sa LTFRB para bigyan ng karampatang special permits,” dagdag ni Salvador.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.