PatrolPH

Dasmariñas paiigtingin ang seguridad sa mga dormitoryo

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2023 08:13 PM

Makikipagpulong ang lokal na pamahalan ng Dasmariñas, Cavite sa mga may-ari ng mga dormitoryo sa lungsod para sa pagre-rebisa ng polisiya upang mapaigting ang seguridad sa mga ito.

Kasunod ito ng pagpatay sa isang 22-anyos na graduating student sa loob ng kanyang tinutuluyang dormitoryo dahil umano sa pagnanakaw.

Maglalabas ang munisipyo ng executive order para i-mandato sa mga dormitoryo ang pagkakaroon ng CCTV, security personnel, at log book sa mga pumapasok at lumalabas sa gusali, ayon kay Dasmariñas Mayor Jenny Austria-Barzaga. 

Iinspeksyunin din ang mga gusali para maiwasan ang mga posibleng entry point ng mga magnanakaw.

Nakikita ni Barzaga ang pangangailangang higpitan ang mga panuntunan sa mga dormitoryo dahil ang Dasmariñas aniya ang university capital sa Cavite.

Inatasan din ng alkalde ang mga pulis at tauhan ng barangay na paigtingin ang pagronda sa paligid ng mga dormitoryo at mga paaralan.

“Magkakaroon ako ng executive order para mas magkaroon ng istriktong requirements ang mga dormitory… tapos magkakaroon din kami ng mga mas marami pang police hotline and task force,” ani Barzaga.

Magbibigay ang lokal na pamahalaan ng P200,000 na pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadadakip ng suspek.

Bukod pa ito sa P600,000 reward na naunang inanunsyo ng Cavite Police Provincial Office.

Ayon sa pulisya, hindi pa nakikilala ang suspek dahil naka-face mask at nakatalikod ito sa mga kuha ng CCTV.

“Nahihirapan po talaga tayong ma-identify [ang suspect]. Ngayon naman po, sinusundan natin ang mga barangay na dinaanan niya. Naglakad lang po kasi ito,” ani Police Lt. Col. Juan Oruga, Jr., hepe ng Dasmariñas City police.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.