PatrolPH

'2 beses lang makakain': Tricycle drivers hirap mamuhay dahil sa oil price hikes

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2022 10:39 AM

MAYNILA - Hirap nang maka-boundary ang ilang tricycle driver kahit halos buong araw na sila sa kalsada, sa harap ng ika-12 taas-presyo sa petrolyo ngayong taon. 

Sa Paranaque City, lalong nahirapan ang mga tsuper na makaipon ng pambayad na P300 hanggang P400 para sa boundary. 

Kuwento nila, sumampa na kasi sa P100 hanggang P200 ang dagdag sa gastos sa gasolina. 

Ang ilan sa kanila, madaling araw pa lang bumiyahe pero halos hatinggabi na hindi pa rin makauwi dahil bukod sa kulang ang boundary, wala pang pambili ng pagkain. 

“Ngayon umaabot na ng P400 sa loob ng isang araw dati P150-P200 lang sobra na gastos yun… Pang bibili ko na lang sana ng gatas ng anak ko," ani Ariel Macapagal, isang tricycle driver. 

“Halos hindi makatustos sa pamilya. Hirap talaga. Siguro sa buong araw dalawang beses lang makakain di pa sapat yun. Gulay," anang isa pang tricycle driver na si Edward de Guzman. 

Kuwento pa nila na lumalagpas ang kita nila ng P700 kada araw noong 2021. 

Pero ngayon, hindi na lumalagpas sa P300 ang nabubulsa nila. 

Nitong Martes, aabot sa higit P8.65 kada litro ang nadagdag sa presyo ng diesel. 

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.