Laguna gov hiniling sa Comelec na payagan ang pamimigay ayuda kahit kampanya

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2022 03:42 PM

MAYNILA — Pumalag si reelectionist Laguna Gov. Ramil Hernandez sa panuntunan ng Commission on Elections na nagbabawal sa pamimigay ng ayuda ng mga kandidato sa panahon ng kampanya.

Sa kaniyang post sa Facebook, ipinakita ni Hernandez ang bulto ng mga tseke na para umano sa tulong-medikal at abuloy sa patay, na dati nang ipinamamahagi kahit noong malayo pa ang halalan.

Ani Hernandez, “hindi makatwiran” na mabinbin ang distribusyon ng ayuda hanggang matapos ang halalan.

“With all due respect po, para namang hindi makatwiran na tapusin muna ang election bago ito payagan ng Comelec na ipamigay. Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo,’” saad ni Hernandez.

Dagdag niya, “[P]aano naman yong mga umiiyak na dahil antay ng antay ng tulong na ipinagbabawal po ninyong ipamigay ngayon.”

Nagpadala na ng liham si Hernandez kay Comelec Chairman Sheriff Abas noong Pebrero para hilingin na i-exempt ang medical/financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individual in Crisis Situation program ng lalawigan.

“Sana naman po ay mapag-isipan niyo agad kung ano ang nararapat dito. Dahil February 21 pa po ang sulat ko sa inyo. Naniniwala po ako na dapat una laging batayan ng desisyon kung ano ang makakabuti para sa mga taong nangangailangan ng tulong,” saad ni Hernandez.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC