Nagdala ng mga construction material ang ABS-CBN Foundation sa mga residente ng San Francisco, Surigao del Norte na nasalanta ng Bagyong Odette.
Materyales pangkumpuni ng kanilang mga nawasak na bahay ang hatid kamakailan ng ABS-CBN Foundation sa mga residente ng San Francisco, Surigao del Norte na nasalanta ng Bagyong Odette.
Handog ng ABS-CBN ang mga yero, pako at plywood para sa 100 pamilya sa mga barangay ng Amontay, Hondrado at Jubgan sa San Francisco.
"Nagpapasalamat kami... na may nakarating na tulong din para makapagsimula makatayo ng bahay," sabi ng residenteng si Kim Jarrold Cayasa.
Kabilang sa mga nawalan ng bahay noong kasagsagan ng Odette si Jaymar Siclon, na halos 3 buwan nang nakikitira sa kaniyang pinsan kasama ang kaniyang pamilya.
"Washed out talaga lahat," sabi ni Siclon ukol sa dati nilang tirahang tinangay ng malakas na alon.
Hirap din si Siclon na itayo noong una ang bahay dahil nawalan siya ng hanapbuhay matapos sirain ng baha ang bangkang gamit niya sa pangingisda.
Ang Odette ang pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas noong 2021, kung saan aabot sa higit 400 tao ang naiulat na namatay.
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.