PatrolPH

PNP: Higit 2,800 sa 'NCR Plus' bubble, lumabag sa protocols sa unang araw ng ECQ

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2021 02:03 PM

MAYNILA - Umabot sa 2,807 na indibidwal ang nasita at nahuling lumabag sa quarantine protocols sa unang araw ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa "NCR Plus" bubble nitong Lunes, ayon sa pulisya. 

Sa ilalim ng ECQ, bawal lumabas ng bahay maliban kung authorized person outside of residence (APOR) o kailangang bumili ng essential goods tulad ng pagkain o gamot.

Pinahaba na rin ang curfew mula alas-6 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

Base sa datos na inilabas ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes, pinakamarami o 1,894 sa mga quarantine violators ay galing sa National Capital Region (NCR). Sinundan ito ng Laguna (371), Cavite (253), Rizal (205), at Bulacan (84). 

PNP: Higit 2,800 sa 'NCR Plus' bubble, lumabag sa protocols sa unang araw ng ECQ 1
Datos mula sa PNP

Ang mga quarantine violators ay napatawan ng multa, binigyan ng warning, naaresto o napatawan ng community service. 

Dagdag pa ng pulisya, nasa 1,233 ang nasita sa NCR Plus bubble dahil sa hindi pagsusuot ng face masks, samantalang umabot sa 969 ang nasita dahil sa hindi pagsusuot ng face shield. 

Pumalo naman sa 1,441 ang bilang ng mga nahuli na non-authorized persons outside of residence. 

Magtatagal ang ECQ na siyang pinaka-istriktong lebel ng lockdown hanggang Abril 4 sa mga nasabing lugar na tinatawag ngayong NCR Plus.

Nitong Lunes, sumipa sa higit 10,000 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, ang pinakamataas na naiulat sa isang araw simula nang tumama ang pandemya noong isang taon. 

- May ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News 

 PANOORIN: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.