PNP alok ang libreng sakay para sa mga pasahero

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2021 09:52 PM


MAYNILA- Nag-alok ng libreng sakay ang Philippine National Police (PNP) para sa mga pasahero na nahihirapang makahanap ng masasakyan sa Metro Manila.

Pasado alas-singko Martes ng hapon, may higit 20 pasahero ang naghihintay ng masasakyan sa Quezon Avenue bago mag-Araneta Avenue, Quezon City. 

May dumating na utility truck ng PNP na may mga upuan. Nagtatawag ng pasahero ang pulis na sakay nito pero walang sumakay dito. 

Walang nakalagay na karatula sa truck na sila ay nag-aalok ng libreng sakay at kung saan ang ruta nila. Biyaheng Cubao ang truck na nagsimulang magtawag ng pasahero sa Welcome Rotonda. 

Paglampas ng Timog Avenue, isang babae ang sumakay at makalipas ang dalawang kanto, isang lalaki uli ang sumakay pero bumaba na sa EDSA.

Sa inisyal na impormasyong ibinigay ng tagapagsalita ng PNP na si Brig. Gen. Ildebrandi Usana, ang mga truck ay pinalabas ng PNP para mapunan ang kakulangan sa sasakyan kung may mga pasaherong nahihirapan sumakay lalo na kapag malapit na ang curfew. 

Ito ay bunsod ng pagkaka-stranded ng maraming pasahero sa EDSA Makati nitong Lunes. Dagdag pa ni Usana, apat na truck ng PNP ang inilabas nila at ang byahe ng mga ito ay alas-singko ng umaga at alas-singko ng hapon. 

Iba-iba rin ang kanilang ruta para matugunan ang pangangailangan ng mga pasahero. 

Bukas muling lalabas ang mga truck bago mag-alas singko ng umaga para sa mga papasok sa trabaho at sa hapon bago mag-uwian ay muli itong mag-aalok ng libreng sakay.

FROM THE ARCHIVES

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.