PatrolPH

4 miyembro umano ng kidnapping group, patay sa engkwentro sa QC

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2021 06:41 AM | Updated as of Mar 30 2021 04:35 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) —Nasawi ang 4 na lalaki na itinuturong mga miyembro ng isang kidnapping group matapos makapalitan ng putok ang mga pulis sa Brgy. Old Balara, Quezon City nitong Lunes.

Ayon kay Police Col. Villaflor Bannawagan, hepe ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) Luzon Field Unit, kasama sa mga napatay sa engkuwentro si Wilbert Bonilla, leader ng Bonilla group, at 3 lalaki na miyembro umano ng kaniyang grupo.

Sangkot umano ang nasabing grupo sa pangingidnap, pagbebenta ng droga at iba pang krimen sa Quezon City at Rizal. 

Isang buwan aniya minanmanan ng PNP-AKG ang galaw ng grupo. Base sa intel, target na kidnapin ng mga suspek ang isang negosyante.

Nakipag-coordinate ang PNP-AKG sa mga tauhan ng QCPD Station 6 matapos makatanggap ng impormasyon na may 2 lalaki na na-kidnap sa bahagi ng Capitol Hills drive.

Kwento ng isa sa mga biktima na technician sa isang construction company, galing sila ng Cavite at pauwi na sana sa opisina sa bahagi ng Tandang Sora. Binabaybay nila ang Capitol Hills Drive nang biglang harangin ng isang van ang minamaneho nilang puting kotse.

Tinali at piniringan sila ng mga suspek at pinagsusuntok.

Ayon kay Police Lt. Col. Romulus Gadaoni, commander ng Batasan Police Station, natunton ang sasakyan ng mga suspek at mga biktima habang padaan sa checkpoint sa Capitol Hills. 

Pero imbes na huminto ang mga suspek ay tumakas sila at nakipagpalitan umano ng putok sa mga pulis. Nasagip ang mga biktima pero napatay sa engkwentro ang mga suspek.

Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na ang target talaga ng mga suspek ay ang amo ng dalawang biktima.

Nakalap sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang M16 rifle, isang calibre .38 na baril, isang di pa tukoy na kalibre ng baril at mga basyo ng bala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.