'Virtual dalaw' ipinatutupad sa Manila City Jail dahil sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2020 06:58 PM | Updated as of Mar 30 2020 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Dahil sa pangambang pagkalat ng COVID-19 lalo na sa matataong lugar, sari-saring pakulo ang ipinatutupad ngayon sa Manila City Jail, ang isa sa pinakamasikip na bilangguan sa Metro Manila, para mapanatili ang physical distancing. 

Ang kapasidad ng Manila City Jail ay pang-1,000 persons deprived with liberty (PDL) lamang pero 4,000 na ang nakalagak ditong preso bukod pa sa jail guards at ibang tauhan.

Kabilang sa isinasagawang hakbang ng Manila City Jail laban sa COVID-19 ang "virtual dalaw" kung saan sa pamamagitan na lang muna ng video chat makakausap ng PDLs ang kanilang mga kapamilya.

Ito ay matapos suspendihin ang pagbisita sa lahat ng jailing facility upang hindi kumalat doon ang COVID-19. 

Pero hindi lang mga preso kundi pati ang mga jail officers at jail guards ay hindi na rin muna lumalabas ng pasilidad.

Isa pa sa ginagawa sa bilangguan ay ang kaliwa't kanang misting sa loob at labas ng Manila City Jail para ma-sanitize ang lugar at makaiwas sa virus.

Pero kung sa ngayon ay wala pang kaso ng COVID-19, hindi naman naiwasan ang hawahan ng sore eyes at pigsa sa city jail lalo't simula na ng mainit na panahon sa Pilipinas. 

Sabi ng mga opisyal ng Manila City Jail, umabot na sa 100 ang dinapuan ng mga nabanggit na sakit. —Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.