Trabahador patay matapos aksidenteng pumutok ang baril ng kasamang sekyu

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2020 08:57 PM

DAVAO CITY - Patay ang isang 45 anyos na trabahador sa isang supermarket sa Bankerohan, Davao City matapos matamaan ng bala Sabado ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Chiquito Tubo. Tinamaan ito ng bala mula sa baril ng kasamahang security guard na si Saimola Buale.

Sa kuha ng CCTV, makikitang kagagaling lamang ni Buale sa CR habang inaayos ang kaniyang holster nang biglang nahulog ang kaniyang .38 revolver. Pumutok ito at tinamaan si Tubo.

Isinugod pa ito sa ospital ngunit binawian din ng buhay. Agad ring nahuli si Buale.

Ayon kay Police Major Tack Tilcag, hepe ng San Pedro Police Station, wala na umanong balak magsampa ng kaso ng asawa ng biktima dahil malinaw naman umano na hindi sinadya ang nangyari sa kaniyang asawa.

Hiling lamang umano nito na sagutin ang gastos sa ospital at pagpapalibing sa biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.