Umapela sa Department of Health (DOH) ang isang grupo ng mga pribadong ospital sa bansa na luwagan ang proseso ng pamimigay sa mga donasyong personal protective equipment (PPE) at medical supplies para mas mapabilis umano nila ang pagsisilbi sa publiko.
Ayon kay Rustico Jimenez, pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP), sa halip na mag-request ang mga pribadong ospital, ideretso na lang ng mga ito ang PPEs at medical supplies.
"Wag nang piliin kung sino 'yong bibigyan. Basta kung mayroong available mga donated, pamigay na sa lahat ng ospital na malapit," ani Jimenez sa panayam ng ABS-CBN News.
Sa ilalim ng mga patakaran ng DOH, kailangan munang ipadala ng mga ospital ang kanilang PPE request sa ahensiya sa pamamagitan ng e-mail. Puwede rin umanong magpadala ng request sa regional offices ng DOH.
Ang mga ospital din ang kukuha ng mga PPE kapag inaprubahan ng DOH ang request.
"Wag na 'yong magre-request pa kami saka sasagutin pa kung kailan ibibigay, 'pag pi-pick up-in," ani Jimenez.
Nagkakaubusan sa mga ospital ng supply ng PPEs sa gitna ng laban sa bagong coronavirus disease (COVID-19).
Ibinahagi ni Jimenez ang reklamo ng isa nilang miyembrong ospital sa Taytay, Rizal, na hindi pa rin nabibigyan ng PPE kahit 5 araw na ang lumipas mula nang mag-request sa DOH.
"Paano siya makakapagsilbi during this time of crisis?" ani Jimenez.
Nauna nang tiniyak ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na lahat ng pampubliko at pribadong ospital ay mabibigyan ng PPEs. -- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Private Hospitals Association of the Philippines, Department of Health, personal protective equipment, medical supplies, COVID-19, coronavirus, coronavirus disease, donations, TV Patrol, Jorge Cariño