Marikina naglaan ng bagong gusali para gawing COVID-19 testing center

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2020 02:09 PM | Updated as of Mar 30 2020 08:11 PM

Isang bagong tayong gusali ang paglilipatan ng pamahalaang lungsod ng Marikina sa kanilang panukalang COVID-19 testing center alinsunod sa mga rekomendasyon ng Department of Health (DOH).

Ininspeksiyon ngayong Lunes ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro ang gusali sa Bayan-Bayanan Avenue na dapat sana ay gagamitin ng local government bilang public safety center.

Sa naturang gusali na ilalagay ng Marikina ang kanilang COVID-19 testing center, na unang inilagay sa ika-6 na palapag ng City Health Office building.

"Pareho lang sa tinayo natin noong una, 'yon nga lang, ito, nasa isang hiwalay na building na," ani Teodoro.

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilipat ang testing center matapos sabihin ng Department of Health na lumalabag ito sa mga pamantayan sa "space" at "biosafety," ayon kay Health Secretary Francisco Duque

Gusto ng Marikina local government na magkaroon ng sariling testing center para mapabilis ang pagtukoy sa mga taong nagpopositibo sa COVID-19 at mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Dagsa na rin daw kasi ang tests sa Research Institute for Tropical Medicine, isa sa mga nangungunang laboratoryo para sa COVID-19 testing sa Metro Manila.

"Nakakatakot 'yong nangyayari dahil sa bawat araw na dumadaan na walang testing center, marami tayong mga kababayan na nasa mahirap na kalagayan," ani Teodoro.

"May namamatay tayong kababayan hindi nila alam COVID positive na pala sila," dagdag niya.

Sa ngayon, 21 ang positibong kaso ng COVID-19 sa Marikina habang 4 ang namatay na. May 41 persons under monitoring at 10 persons under investigation naman ang lungsod. -- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.