Lockdown sa buong Pampanga, nasa 90 porsyento na ang compliance

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2020 05:47 PM

Nagsagawa ng aerial reconnaissance ang Pampanga Police Provincial Office nitong Linggo ng umaga para makita ang kalagayan ng lalawigan sa ilalim ng ipinapatupad na total lockdown dito.

Pinangunahan ng Special Action Force, Air Unit ng Philippine National Police, sa pakikipag-ugnayan sa Pampanga Police, ang aerial reconnaissance sa lalawigan.

"Dito po natin makikita at mamo-monitor kung nagko-comply ba, quarantined ba talaga yung mga kababayan natin," paliwanag ni Police Lt.Col Wildemar Tiu ng SAF.

Mula sa himpapawid, makikita na malinis at mangilan-ngilan na lamang ang bumabiyaheng sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa lalawigan, tulad sa bayan ng Apalit at San Simon.

Ngunit mayroong kaunting build up na nakita sa mga public market, tulad sa bayan ng Porac.

Nagtayo na rin ng mga decontamination areas and tents sa iba't ibang pampublikong lugar tulad ng mga palengke. Bukod sa mga sanitation tents, may identified entry at exit points ang pamilihan.

Kumpleto rin sa disinfectant sprayer, foot bath at personal protective equipment ang bawat police station, maging ang mga quarantine at control points sa Pampanga.

“Everyday po, ito ang gagawin natin sa mga kapulisan natin na nagmamanman po ng control points. Pinangungunahan ng safety officer natin, idi-disinfect po buong katawan po ng ating mga kapulisan para bago po sila mag-man ng kanilang designated control points ay ligtas po sila, pati na rin kababayan natin na dumadaan sa control points," ani Police Col. Jean Fajardo, ang provincial director ng Pampanga Police.

Patuloy pa rin ang panghihikayat ng awtoridad sa mga residente na manatili sa kani-kanilang mga tahanan, lalo't tumataas na ang bilang ng mga tinatamaan ng coronavirus disease 2019.

Sa huling tala ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng Pampanga, nasa 6 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan.

Sa bilang na ito, 3 na ang namatay. Pumalo na rin sa 145 ang bilang ng mga patients under investigation, habang nasa 11,821 ang mga persons under monitoring.