Mga magsasaka sa Laguna nahihirapang ibenta ang ani dahil sa COVID-19 checkpoints

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2020 08:27 PM | Updated as of Mar 31 2020 09:15 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Umaaray na ang mga magsasaka sa bayan ng Kalayaan, Laguna dahil hirap umano silang maibiyahe ang kanilang mga gulay sa gitna ng umiiral na lockdown sa Luzon kontra COVID-19.

Isa ang bayan ng Kalayaan sa nagsusuplay ng mga gulay sa Calabarzon at Metro Manila.

Reklamo ng mga magsasaka sa Barangay San Antonio, kahit na may food pass sila mula sa Department of Agriculture ay hindi raw ito kinikilala ng ilang munisipalidad. 

Kaya ang iba, hindi malaman kung papaano maibebenta ang kanilang mga gulay.

Kahit si Kalayaan Mayor Sandy Laganapan, tila napipikon na rin sa hindi umano pagsunod ng ibang alkalde sa mga patakaran na dapat exempted ang agricultural products sa lockdown.

Hindi rin daw makapasok sa bayan ng Pagsanjan ang mga taga-Kalayaan at iba pang bayan para makapamili ng mga pangunahing pangangailangan.

Ang bayan ng Pagsanjan ay siyang pinakasentro ng komersyo sa ikaapat na distrito ng Laguna.

Nitong Lunes, nilinaw na ni Laguna Governor Ramil Hernandez na hindi dapat harangin ang mga truck na maghahatid ng mga agricultural products at alam daw 'yan dapat ng mga mayor at hepe ng mga pulis. —Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.