Informal settlers sa QC na di umano nabigyan ng ayuda namalimos na lang

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2020 05:55 PM | Updated as of Mar 30 2020 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ilang residente ng Quezon City na nakatira sa ilalim ng tulay ang namamalimos sa mga motorista sa Barangay Bahay Toro dahil hindi raw sila naabutan ng relief goods sa gitna ng umiiral na Luzon lockdown bunsod ng COVID-19.

Maghapong nakipagpatintero sa mga sasakyang dumadaan ang 18 anyos na si alyas "Carmen."

Hawak niya ang karton na may nakasulat na apela na humihingi ng pambili ng pagkain at gatas ng kaniyang anak.

Matiyaga niyang inisa-isa ang mga sasakyan para kumatok ng tulong.

Kahit batid ni Carmen na mapanganib sa kalsada at may umiiral na enhanced community quarantine, wala siyang magawa dahil kumakalam ang kanilang sikmura ng kaniyang 2 anak.

"Dito na lang po kami kahit nangingitim po kami sa araw nanghihingi na lang po kami para may makain kami sa araw-araw, nagbabayad pa po kami ng utang," sabi ni Carmen. 

Si alyas "Lilian" naman, habang nanlilimos ay umupo na lang sa labas ng isang convenience store dahil may sakit siyang asthma.

"Nanghihingi po kami ng konting relief goods sabi po samin wala raw po dahil hindi raw kami kasali dahil sa ilalim lang daw kami ng tulay nakatira," ani Lilian.

Dumepensa naman ang Barangay Bahay Toro at sinabing nabigyan na nila ng relief goods ang nasa 37 pamilya na nakatira sa ilalim ng tulay noong nakaraang linggo.

"Meron kaming record na tinanggap nila," ani barangay chairman Dennis Caboboy.

Sa video mula sa barangay, kita na inaabot ng mga barangay official at volunteer sa mga residente sa ilalim ng tulay ang mga nasa plastic na bigas, de-lata, at noodles.

Sinabi rin ng barangay na karamihan sa mga ito ay matagal nang na-relocate sa Bulacan pero bumabalik din.

Plano ng Barangay Bahay Toro na tulungan ang mga nanlilimos at dalhin muna sila sa ginawang evacuation center sa isang covered court sa Quezon Memorial Circle.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.