Deployment ng nurses na nais mag-abroad nais ipatigil ng mambabatas

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2020 04:58 PM

MAYNILA — Umapela ang isang mambabatas sa Labor department na kung maaari ay huwag munang paalisin sa bansa ang mga nars na nais mag-abroad, lalo't may krisis sa Pilipinas bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Umapela si Cagayen de Oro Rep. Rufus Rodriguez kay Labor Secretary Silvestre Bello III na pansamantala munang ipatigil ang deployment ng Pinoy nurses. 

"Secretary Bello should suspend the sending of nurses abroad. We need our healthcare personnel here at this time of public health emergency to attend to sick Filipinos, and not to foreigners," ani Rodriguez. 

Ginawa ni Rodriguez ang pahayag matapos umano lumabas sa balita na magpapadala ang Germany ng isang eroplano para sunduin ang nasa 75 intensive care unit nurses para alagaan ang mga tinamaan ng COVID-19 doon.

Sabi ng mambabatas, abala na masyado ngayon ang healthcare system sa Pilipinas dahil sa COVID-19 at maski ang mga pribado at pampublikong ospital ay dumadaing na sa kakulangan ng mga medical professional. 

Pero giit ni Rodriguez, dapat ay bayaran nang karampatang halaga ang healthcare workers lalo't itinuturing na silang bayani. 

"They should be properly compensated. They are our modern-day heroes."

Imbes din daw na humikayat ng volunteers, dapat daw ay i-hire ang mga ito. 

Sa huling tala ng Department of Health, pumalo na sa 1,546 ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, 78 ang namatay dito at 42 naman ang nakarekober. 

—Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.