8 patay sa nagliyab na eroplano sa NAIA runway

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2020 01:55 PM | Updated as of Mar 30 2020 07:22 PM

MAYNILA — Walong tao ang nasawi matapos magliyab ang isang eroplano sa runway ng Ninoy Aquino International Airport noong gabi ng Linggo.

Papunta sanang Haneda, Japan ang eroplano -- ang West Wind 24 aircraft ng Lionair Inc. -- para maghatid ng pasyente nang mangyari ang insidente.

Nakatakdang mag-take off ang eroplano 7:57 ng gabi pero natagalan ito, at biglang nagliyab at huminto sa dulo ng runway malapit na sa East Service Road.

"Based on the reports of the Manila Tower, they were alarmed that based on such the size of the aircraft, it took them some time to takeoff," ani Don Mendoza, deputy director general ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa loob nang isang minuto, nakaresponde ang fire fighting unit ng Manila International Airport Authority (MIAA) kaya agad naapula ang apoy.

Binawian ng buhay ang 8 sakay ng eroplano, kasama ang mga crew member at piloto, doktor, nurse, at 2 pasahero.

Pilipino ang 6 sa mga biktima, isa ang Canadian habang isa naman ay US national.

Wala ring binigay na impormasyon ang MIAA kung may kaugnayan sa COVID-19 ang medical evacuation flight.

"There was no indication as mentioned to us by the flight operator. As we speak right now, there was no confirmation or denial about the situation of the passenger," ani MIAA General Manager Ed Monreal.

Pasado naman umano sa pamantayan ng CAAP ang eroplano.

Ayon pa sa mga opisyal ng MIAA at CAAP, ginamit ang naaksidenteng eroplano sa pagdadala ng medical suplies sa ibang bahagi ng bansa.

Noong Sabado, lumipad umano ang eroplano papuntang Iloilo at ligtas na nakabalik sa Maynila.

Pinasalamatan pa ng Department of Health ang Lionair sa pag-volunteer nito na mag-deliver ng face masks sa health workers.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa ngayon, posibleng hindi muna payagang lumipad ang buong fleet ng Lionair habang iniimbestigahan ang insidente.

Lionair din ang may-ari ng eroplanong bumagsak sa Calamba, Laguna noong Setyembre 1, 2019, kung saan 9 ang namatay.

"It's quite alarming, we're looking into the records deeply," ani Mendoza.

Pansamantalang sinara ang runway ng NAIA dahil sa aksidente pero binuksan din bandang 4:20 ng madaling araw nitong Lunes.

Maliit naman ang naging impact ng aksidente sa operasyon ng NAIA, lalo't 7 flight lang ang nakatakdang lumipad at dumating noong Linggo, ayon sa MIAA. -- Ulat nina Jervis Manahan at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.