PatrolPH

Suspek sa Marcos Highway accident sumuko; babaeng biktima pumanaw na

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2019 04:04 PM | Updated as of Mar 30 2019 11:24 PM

Sumuko na ang drayber ng kotseng nakabundol sa isang motorsiklo sa Marcos Highway.

Samantala, pumanaw na ang babaeng biktima na si Rossana Ugto habang sugatan naman ang kasama nitong si Mark Joseph Belen.

Sumuko sa Pasig police ang 29 anyos na si Adrian Russel King Carlos.

Nakunan sa dashcam video ang pagbaybay nina Belen at Ugto sa motorcycle lane ng Marcos Highway nang biglang sumulpot ang kotse ni Carlos noong Martes.

Iniwasan ng kotse ang motorsiklo pero pagkabig ay nasalpok din ito, dahilan para tumilapon ang dalawa, base sa kuha.

Paliwanag ng suspek, hindi niya namalayang may nabundol na siyang motorsiklo.

“I was moving fast, may lubak iniwasan ko, didn’t see or feel anything, I just saw my car on TV so it took me three days to realize and surrender," ani Carlos.

Nangako ang suspek na magbibigay siya ng tulong-pinansiyal sa pamilya ni Belen, pero hindi raw ito tinatanggap ng biktima.

“Hindi pera ang kailangan namin kikitain namin iyan, gusto ko makulong siya, dahil nawala sa amin 'yung asawa ko," aniya.

Isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek sa Pasig Regional Trial Court sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.