Philippines-China Chico River deal, kinondena

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2019 04:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BAGUIO CITY - Kinondena ng indigenous people ang kasunduan ng Pilipinas at China para sa pagtatayo ng Chico River Irrigation Pump sa Kalinga sa pamamagitan ng sayaw nitong Sabado ng umaga.

Naroon si Banag Sinumlag, 84, isa sa mga natitirang Chico River struggle veteran. Aniya, malaki ang magiging epekto ng pagtatayo ng pump sa kanilang kalikasan.

Kung nakipaglaban daw sila noon para tutulan ang pagtatayo ng Chico River Dam, handa raw siyang lumabas ulit ngayon para sa kalikasan.

Ayon sa Cordillera Peoples Alliance (CPA), itinuturing nilang "debt trap" ng China ang loan agreement.

"Sa katunayan kailangan ng mga magsasaka ang free at proper irrigation system pero ito ay hindi dapat binibigay na may malaking kapalit," aani CPA Secretary General Sarah Dekdeken.

Nagprotesta ang indigenous people laban sa kasunduan ng Pilipinas at China para sa pagtatayo ng Chico River Irrigation Pump sa Kalinga. ABS-CBN News

Ikinakatakot din nila ang pagsamsam ng China sa patrimonial assets ng bansa kung hindi mabayaran ang loan.

"Kung hindi natin mabayaran ang pagkakautang na ito pwede nilang ilitin o kunin yung ating mga patrimonial assets tulad ng natural gas natin sa Reed Bank na nalaman na natin sa isang pag-aaral na bilyon-bilyong ang nandyang deposito na pwede sanang sa kapakinabangan ng mga Pilipino at ng ating bansa," ani Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate.

Nakatakda silang magsampa ng reklamo sa Korte Suprema para kuwestyunin kung tumatalima sa Konstitusyon ang pagsailalim ng administrasyon sa ganitong kasunduan sa China.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.