Blood relic ni St. John Paul II dinagsa sa Tacloban City

Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2019 09:37 AM

Binigyan ng pagkakataon ang mga deboto na makalapit at makahalik sa blood relic ni St. John Paul II sa Sto. Niño Church sa Tacloban City. Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News


TACLOBAN CITY – Dinagsa ng mga debotong kabataan ang blood relic ni St. John Paul II kasama ang National Youth Cross sa Sto. Niño Church sa lungsod na ito noong Miyerkoles. 

Matapos ang isinagawang misa, nagkaroon ng veneration kung saan binigyan ng pagkakataon ang mga deboto na makalapit at makahalik sa relic.

Ang relic ay kapirasong damit na may bakas ng dugo ni Pope John Paul II na pinagiingatan ng Diocese of Balanga.

Ang National Youth Cross naman ay ang unang krus na ginawa para sa Philippine Catholic youth ministry, ayon sa CBCP News ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Una itong inilibot sa bansa noong ika-25 anibersaryo ng Episcopal Commission on Youth taong 2011.

Ayon kay Angela Ruby Tiozon, isang volunteer, malaking impluwensiya at inspirasyon ang Santo Papa para sa kanilang mga kabataan.

Malapit sa mga bata si St. John Paul II noong nabubuhay pa ito bilang Santo Papa. Siya ang nagsimula ng World Youth Day noong 1985 at dumalo rin siya sa pinakamalaking World Youth Day na isinagawa sa Pilipinas noong taong 1995.

Sabi ng spokesperson ng Archdiocese of Palo na si Fr. Chris Militante, turo ni St. John Paul II na gabayan ang mga kabataan sa kanilang paglaki.

Ginugunita ngayong taon ang Year of the Youth at isa sa mga highlight nito ang pagbisita ng blood relic ni St. John Paul II sa Pilipinas.

Dinala sa iba’t-ibang simbahan ang relic ng dating Santo Papa kasama ang National Youth Cross.

Iiikot ang blood relic at Youth Cross sa Central at Eastern Visayas hanggang Mayo 3.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.