‘Way of the Cross’ sa Boracay, sinabayan ng cleanup ng mga turista, residente

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2018 04:54 PM | Updated as of Mar 30 2018 05:06 PM

Kuha ni Cherry Palma, ABS-CBN News

Daan-daang residente at turista ang lumahok sa "Via Crucis" o "Way of the Cross" sa beach front sa Boracay nitong umaga ng Biyernes Santo.

Sa pangunguna ng Balabag Parish, naging kakaiba ang tradisyonal na seremonya dahil binigyan ng plastic bags ang mga deboto para makapamulot ng basura sa paligid.

Kuha ni Cherry Palma, ABS-CBN News

Ayon sa isang residente na laging sumasali sa mga aktibidad tuwing Semana Santa, ito umano ang unang pagkakakataon na hindi siya nagdasal para sa pansariling pangangailangan at sa halip ay ipinagdasal na hindi matuloy ang pagpapasara sa Boracay.

"Nalulungkot po talaga kami, kaya nga kahit 84 years old na ako, kahit dapat pagtuunan ko ng panalangin ay ang aking kalusugan, 'yung Boracay talaga ang aking number 1 na pinag- pray," sinabi ng residente.

Tumulong din ang mga bata sa pagpulot ng mga basura tulad ng upos ng sigarilyo, junk food wrappers, plastic cups, at iba pa.

Kuha ni Cherry Palma, ABS-CBN News

Ayon kay Fr. Tudd Belandres, kura paroko ng Balabag Parish, dapat umanong ipaalala sa mga tao na maging malinis sa mata ng Diyos. Ganito rin umano ang dapat mangyari sa Boracay.

Sinundan ang Via Crucis ng kumpisal sa Balagbag Parish.

--Ulat ni Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.