Munisipyo itinangging may kinalaman sa pagbebenta ng ‘protected area’ sa Boracay

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2018 01:17 AM | Updated as of Jan 03 2019 12:07 PM

MALAY, Aklan—Ikinagulat ng isang opisyal sa bayang ito ang pagkakadawit ng munisipyo sa ilegal umanong pagbebenta ng isang protected forest land sa Balabag, Boracay. 

Ayon kay Rowen Aguirre, executive assistant ng alkalde ng Malay, anuman ang nangyaring krimen ay sa pagitan na lamang ito ng nagbenta at sa bumili. 

"The mayor has nothing to do with the transaction. Kasi it was between the buyer and the seller lang. Kanilang personal transaction 'yun," ani Aguirre sa isang panayam sa ABS-CBN News.

Aminado si Aguirre na pinsan niya ang isa sa mga suspek, habang pamangkin naman ito ni Mayor Ciceron Cawaling. Pero wala aniya silang kinalaman sa nangyari. 

Dapat aniya bago kumuha ng lupa ay tiniyak na muna ng mga investor na lehitimo ang mga papel na ipinipresenta sa kanila ng mga nagpapakilalang ahente o broker.

Maliban sa pinsan ni Aguirre, 4 pa ang inaresto ng mga awtoridad kaugnay ng insidente, kabilang ang isang nagpakilalang tagapagmana ng lupa, isang abogado at 2 interpreter.

Ayon sa biktimang si "Angel," nakilala niya ang broker noong isang taon, at nakapagbayad na sila ng P38 milyon dahil sa ipinakitang certification ng munisipyo ng Malay na multiple use ang lupa. 

Pero naghinala ang biktima nang magdouble-check ito sa Department of Environment and Natural Resources na nagsabing protected forest area ang lupa. 

Ayon naman sa National Bureau of Investigation, posibleng imbestigahan nila ang lokal na pamahalaan ng Boracay, lalo't hindi nagtutugma ang mga naipresentang dokumento.