Ilang estudyante, ginamit ang Pabasa upang punahin ang kampanya kontra droga

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2018 08:42 PM | Updated as of Jan 03 2019 08:39 PM

Sa halip na magpuntang simbahan gaya ng nakaugalian ng libo-libong Katoliko tuwing Biyernes Santo, isang kakaibang "Pabasa" ang itinanghal ng ilang estudyanteng pinangungunahan ng University of the Philippines Repertory Company. Sharlene Festin, ABS-CBN News

MANILA—Sa halip na magpuntang simbahan gaya ng nakaugalian ng libo-libong Katoliko tuwing Biyernes Santo, isang kakaibang "Pabasa" ang itinanghal ng ilang estudyante.

Sa playground ng Teachers Village sa lungsod ng Quezon, isa-isang binabasa ang mga pangalan at detalye ng pagkamatay ng halos 2,000 namatay umano sa kampanya kontra droga.

Pinangunahan ng University of the Philippines Repertory Company ang pagtatanghal na tinawag nilang “Pabasa Obitwaryo sa Nanlaban.”

Nakadamit ng puti at nakabalot ang ulo ng mga nagtatanghal na kinakanta rin ang Pasyon.

Magtutuloy-tuloy umano ang pagtatanghal hanggang sa darating na Linggo ng Pagkabuhay.

Nilikom ng grupo ang mga pangalan at detalye ng pagkamatay mula sa mga balita at pagsasaliksik.

Ayon sa artistic director ng UP Repertory Company na si Manuel Mesina III, idinikit nila ang tradisyonal na Pabasa tuwing Mahal na Araw sa pangalan ng mga namatay dahil may pagkakapareho umano ang nangyari kay Hesu Kristo sa nangyayari ngayon sa kampanya kontra ilegal na droga.

“May pagkakahalintulad 'yung buhay ni Kristo sa nangyayari ngayon. Pwede naman nating tingnan si Kristo bilang mistaken identity,” aniya.

Nais din umano nilang gamitin ang araw na ito para ipakita ang epekto ng kampanya kontra droga sa mga naulila.

“ 'Yung objective namin bigyan ng panahon ang mga namatay sa drug war para malagay 'yung mga pangalan nila . . . Ma-realize natin 'yung gravity na marami nang namamatay,” dagdag ni Mesina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.