2 patay sa aksidente sa Las Piñas

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2019 10:04 AM

MAYNILA – Dalawa ang nasawi nang maaksidente ang sinasakyan nilang motorsiklo, Martes ng madaling araw sa Las Piñas City.

Dead on arrival sa pagamutan ang angkas ng motorsiklo. Sinubukan pang ma-revive ang driver pero binawian na rin ng buhay.

Ayon sa ilang testigo, galing Alabang-Zapote Road ang motorsiklo at lumiko sa Aguilar Avenue pero nawalan ng kontrol ito at nabangga sa gutter.

Tumilapon ang mga lalaki at ilang metro pang gumulong-gulong. Kapwa walang suot na helmet ang mga ito na hinihinala ring nakainom.

Nagbigay paalala naman ang awtoridad sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho lalo ngayong bakasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.