Trak, sumabit sa poste ng kuryente; 3 barangay, apektado

Erico Antonio, ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2017 04:07 PM

CAPTION: Anim na poste ng kuryente ang bumagsak matapos sumabit sa linya ng kuryente ang isang trak.

ZAMBOANGA CITY - Anim na poste ng kuryente ang bumagsak matapos sumabit ang isang 10-wheeler truck sa linya ng kuryente sa Barangay Talon-Talon Huwebes ng hapon.

Ayon sa mga residente, pasado ala-una nang dumaan ang trak na minamaneho ni Lucio Canos sa lugar.

Hindi umano napansin ng drayber ang mababang linya ng kuryente, dahilan upang sumabit ito sa trak at tuluyan nang bumagsak ang mga poste.

Walang nasaktan sa insidente ngunit may ilang bahay, tindahan at jeep na nakaparada sa tabi ng kalsada ang nabagsakan ng debris galing sa mga poste na yari sa semento at kahoy.

Aminado si Canos na nabigla at natakot siya sa pangyayari.

Pansamantalang mawawalan ng kuryente ang 3 barangay na konektado sa feeder ng bumagsak na linya.