Bilang ng nakakagat ng mga aso sa Albay, ikinabahala

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2017 04:47 AM

Aabot 5,000 na nakagat ng aso na pumunta sa isang ospital sa Albay para magpabakuna kontra rabies ngayong taon. Karren Canon, ABS-CBN News

LEGAZPI CITY - Patuloy na tumataas ang bilang ng mga nakakagat ng aso sa Albay. 

Agad na dinala ni Nanay Maricel ang 11-anyos na anak na si Jason sa Animal Bite Treatment Center sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Albay.

Nakagat kasi ito ng aso sa kanang paa habang naglalakad lang papunta sa kanilang paaralan

Isa lang si Jason sa aabot 5,000 na nakagat ng aso ngayong taon na pumunta sa BRTTH para magpabakuna kontra rabies.

Ayon sa ospital, 20 hanggang 150 katao ang nagpapakonsulta sa ospital araw-araw na nakagat ng aso.

Pero ang nasa 5,000 nakagat ng aso ngayong taon simula Enero hanggang ngayong buwan, posible pang madagdagan lalo na ngayong tag-init.

Aminado ang provincial veterinarian na taun-taun, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nakakagat ng aso sa Albay.

Noong 2014, mahigit 12,000 ang nakagat ng aso. Mahigit 17,000 naman noong taon 2015. At noong nakaraang taon, aabot ng 20,000 ang nakagat ng aso kung saan apat na tao ang namatay at 12 ang namatay na aso dahil sa rabies.

Ngayong taon naman, pito na ang naitalang namatay na aso dahil sa rabies.

Patuloy ang isinasagawang mass vaccination kontra rabies ng provincial veterinarian sa lahat ng bayan at lungsod sa Albay.

Nasa 90,000 aso ang target nilang mabakunahan bago matapos ang buwan ng Hunyo.

Panawagan ng provincial veterinarian, lalo na sa mga may alagang aso, na maging responsable para walang buhay na maisakripisyo.